Moving On

Nag move-on na ko. Seryoso. Approximately 5.33 km. In my two-inch heeled boots. In one hour and fifteen minutes. Di ko man napansin na tumakbo ang oras.

Seryoso, nilakad ko. Mahigit limang kilometro, mula opisina hanggang bahay. Bakit nga ba? Di ko rin talaga maipaliwanag. May tren naman, wala pang labin-limang minuto kung sasakay ako. Pero gusto kong maglakad. Ng malayo. Ng mag-isa.

Hindi naman masyadong malayo. Di naman ako napagod. Di rin ako pinawisan. Para lang naman mahigit dalawang ikot sa Acad Oval ng UP Diliman. Pero ansarap ng pakiramdam, yung alam mo na malaya kang gumalaw mag-isa, pumunta kung saan mo gustong pumunta.

Nung nagsimula akong maglakad, siya pa ang iniisip ko. Alam kong malapit sa kanila yung dadaanan ko. Alam ko din naman na hindi ko siya makikita. Ayoko siyang makita. Ayoko na siyang makita kahit kailan.

May iba din akong gustong daanan. Isang lugar na nagpapaalala sa akin ng masaya at simpleng buhay noong nasa kolehiyo pa. Tinawag ko na ngang “mini sunken garden”. Sarap sana tumigil at tumambay dito, kaso gusto ko na rin makauwi.

Habang naglalakad ako, may iba pa akong nakita. Basura lang sa sahig, pero parang may importanteng gustong sabihin sa akin…

Pagkatapos ng mahigit isang oras na paglalakad, nagutom na rin ako. Naisip ko rin kung anong gusto kong kainin kaya bumili ako bago umabot sa bahay.

Nag move-on na ko. Hindi man kapani-paniwala, pakiramdam ko malayo din ang na move-on ng puso ko pagkatapos kong maglakad ng mahigit limang kilometro. Pagdating ko sa bahay, may iba na akong iniisip. 🙂

 


Nakikinig nga pala ako sa Spotify habang naglalakad. Ansaya pakinggan ng playlist na ito, lalo na kung gusto mo lang mag-emote. :p

Advertisements

Tsubibo

Ocean_City_Ferris_WheelIsang simpleng teleserye na araw-araw kong pinapanuod ang biglang humatak sakin pababa sa isang kumunoy ng ala-ala. Bakit kailangan siyang dalhin sa perya, isakay sa isang tsubibo, hangad lamang ang kaligayahan, ang pag-ibig nito? Hindi ba ganoon din ang ginawa niya dati? Pinaibig ka, dinala sa isang malayong lugar na masaya, isinakay sa isang malaking tsubibo at hinawakan ang iyong kamay? At kung tama ang aking pagka-alala, takot siya sa matataas na lugar, o sinabi lang ba niya ito para makahawak ng mas mahigpit sa iyong mga kamay?

Pagbaba ninyo nang gabi rin iyon, napuno ang kalangintan ng makukulay at maliwanag na paputok. Isa iyon sa pinaka-maligayang sandali ng buhay mo noon. Pakiramdam mo ikaw ay prinsesa, ngunit hindi, sabi niya, ikaw ang reyna at siya ang hari ng buhay mo. Hanggang pauwi ay halos hindi niya bitawan ang iyong kamay. Pinagmamasdan ka kahit dapat nasa daanan ang kaniyang mga mata habang nagmamaneho. Sa inyo lang umikot ang mundo noon. Wala nang iba. Halos maniwala ka na sa walang hanggan noon. Sino ba naman hindi maniniwala habang ikaw ay nasa mala-panaginip na mundo?

Pero sabi nga nila, walang forever. Pero nakakagulat din ang bilis ng mga pangyayari, gaano kabilis ang paglaho at pag-gunaw ng kung ano man ang namagitan sa inyo noon. Hindi mo na ninais na balikan pa ang sakit at kabiguan, tuluyan mo nang sinubukang kalimutan. Madaming taon na ang nakalipas. Halos hindi mo na nga maalala, maliban sa mga paminsan-minsang mga panahon tulad nito.

Napapaisip ka nga kung kilala ka ba ng nagsulat ng teleseryeng iyon. Sinasadiya ba ng mundo na ipa-alala sayo? O baka naman, masyado ka lang affected.